Sunday, October 25, 2009

PANINIGARILYO

PANINIGARILYO

Bilang 1st year student sa kolehiyo ng komersyo sa Unibersidad ng Santo Tomas, kami ni Celina Miranda at Miru Kagiya, masasabi namin na ang paninigarilyo ay hindi nakabubuti sa katawan. Nakakasama ito, hindi lamang sa katawan ng naninigarilyo, kung hindi pati sa mga taong nakakalanghap ng usok nito. Ang mga taong naninigarilyo ay kadalasang tinatamaan ng sa sakit sa baga, o kanser sa baga. Maliban sa sakit na ito, marami rin ang nagkakasakit sa puso nang dahil dito. Ayon sa isang patalastas na aming napanood, ang isang istik ng sigarilyo na nauubos ng tao ay katumbas ng isang minuto ng buhay niya. Kung susumahin natin, sa bawat isang kaha ng sigarilyo na nakokonsumo ng isang tao, dalawampung minuto na ang binawas niya sa buhay niya. At isa pa, para sa amin, ang paninigarilyo ay nakakapangit. Bakit? Ang kadalasan kasi naming napapansin sa mga taong mayroong bisyo na ito ay maiitim ang kanilang labi at gilagid, hindi kaaya-aya ang amoy ng kanilang hininga pati narin ang amoy ng katawan, naninilaw rin ang kanilang mga ngipin at ang gilid ng kanilang mga daliri. Dahil dito, nakaka”turn-off” pag ang isang tao ay naninigarilyo. Masasabi namin na ang paninigarilyo ay maikukumpara sa pagpapakatiwakal. Siya ang gumagawa ng paraan o ng daan upang mapadali ang kanyang buhay.

Ihahalimbawa namin ang tatay ng isa naming kaibigan na si Mr. Gulapa. Nagsimula siyang manigarilyo noong siya’y 4th year higschool. Kaya raw niya ito nasubukan ay nang dahil sa stress sa pag-aaral. Noong ito’y nasimulan niya, nagustuhan niya ito at siya’y nagtuloy-tuloy. Dumating sa panahon na tatlo na ang kanyang anak at hindi parin siya tumitigil. Hanggang isang araw, nakaramdam raw siya ng paninikip sa dibdib. Inoperahan siya. At pagkatapos noon, napagtanto niya na ang sobrang paninigarilyo ay maaaring kumitil ng buhay. Kaya magsimula noon, hindi na siya muling humawak o nagbuga ng usok mula sa isang istik ng sigarilyo.

Isa pa naming ihahalimbawa ang isa sa aming mga kaibigan ngayon sa kolehiyo, hindi na namin babanggitin ang pangalan niya. Nagsimula siyang manigarilyo nitong kolehiyo lamang, at sa tingin namin ito ay dahil naiimpluwensyahan siya ng mga bago niyang kakilala, at upang magmukha siyang “cool”. Pero ang idinadahilan niya sa amin ay dahil sakanyang girlfriend na niloko siya. Sa tingin namin, ito ay hindi magandang dahilan upang subukan niya ang paninigarilyo. Isa iyong walang kuwentang dahilan. Kung talaga naman na niloko siya, sana ay tinutok niya nalang ang oras niya sa pag-aaral, marahil ay hindi niya alam ang mga epekto nito sa kaniyang katawan. Gusto sana naming siyang kausapin tungkol dito, ngunit humahanap pa kami ng tamang oras upang maliwanagan siya sa kanyang gingawa.

Ang sigarilyo, ayon sa aming nasaliksik mula sa internet (doh.gov.ph), ay naglalaman ng 14 na kemikal na nakaka-kanser, ang usok nito ay naglalaman ng mahigit sa 4,000 kemikal na pumipinsala sa kalusugan at kapaligiran, ang nikotinang laman nito ay sanhi ng pagka-adik dito, ang usok ng nito ay mayroong carbon monoxide na siya ring ibinubuga ng mga tambutso ng sasakyan at ang tar ay nagpapadilaw ng ngipin at mga daliri.


Nakakasama rin ang paninigarilyo sa ibang tao dahil ang usok na ibinubuga mula sa taong naninigarilyo ay may masasamang kemikal. Sa aming pagkakaalala, may nakapagsabi sa amin na ang nakakalanghap ng usok ng sigarilyo ay may mas malaking tsansa na magkaroon ng kumplikasyon sa katawan. Dahil daw, ang mga sigarilyo ay mayroong tinatawag na filter na mas nagpapaonti ng mga kemikal na sasama sa nahihithit ng mga naninigarilyo. Samantalang ang mga taong nakakalanghap nito ay walang filter kaya mas madali silang makakalanghap ng kemikal sa usok ng sigarilyo. Kaya maihahalintulad din naming ang paninigarilyo sa pagpatay ng kapwa.
Sa isang libro na aming nabasa, ang paninigarilyo ang nangungunang dahilan sa sakit na “emphysema”. Ito ay nagpapahirap sa taong apektado nito sa paghinga, at isa pa, ang taong apektado nito ay madaling napapagod sa paghinga pa lamang.

Ayon sa isang guro ng isa sa amin noong hayskul, ang paninigarilyo daw ay napakahirap nang itigil. Ang biglaang pagpigil daw nito ay nakakamatay. Kaya daw sa mga rehabilitation centers, paunti unti lamang nilang binibigyan ang pasyente ng sigarilyo. Halimbawa, sa isang araw paisa isa na lamang nilang binibigyan ang pasyente ng sigarilyo.

Batay sa aming mga naisulat, maraming hindi magandang epekto ang paninigarilyo. Isa lang ang maaaring idulot nito, kamatayan. Hindi lamang sa taong naninigarilyo, pati narin ang taong nasa paligid nila at sa kalikasan. Kaya habang maaga pa, itigil na ang paninigarilyo. Ituon ang pansin, oras at pera sa ibang nakabubuting bagay. Huwag sayangin ang buhay nang dahil lamang sa maliit na istik ng sigarilyo. Mahalin natin ang sarili natin at ang mga taong nakapaligid. Ang sigarilyo, nandiyan lang at madaling makuha. Ang buhay, madaling mawala at panigurado mahirap makuha.




BIBLIYOGRAPIYA:
BIOLOGY concepts and connections,
campbell , reece, taylor, simon, dickey
www.yahoo.com
www.google.com